Mga Pagbigkas ni Cristo | Gawain at Pagpasok (2)
Ang inyong gawain at pagpasok ay masyadong mahina; hindi pinahahalagahan ng tao ang gawain at higit pa ngang pabáyâ sa pagpasok. Hindi itinuturing ng tao ang mga ito bilang mga aral na dapat nilang pasukin; kaya, sa kanilang karanasang espirituwal, halos lahat nang nakikita ng tao ay mga ilusyong di-kapani-paniwala. Hindi gaanong malaki ang hinihingi sa inyo pagdating sa inyong karanasan sa gawain, pero, bilang isang gagawing perpekto ng Diyos, dapat ninyong matutunan na gumawa para sa Diyos upang di-magtatagal kayo ay maging kaayon ng puso ng Diyos. Sa nagdaang mga kapanahunan, yaong mga gumawa ay natawag na mga manggagawa o mga apostol, na tumutukoy sa isang maliit na bilang ng mga taong ginamit ng Diyos.
Gayunpaman, ang gawaing sinasabi Ko ngayon ay hindi lamang tumutukoy sa mga manggagawa o mga apostol; patungkol ito sa lahat niyaong mga gagawing perpekto ng Diyos. Marahil marami ang walang gaanong interes dito, pero, para sa kapakanan ng pagpasok, pinakamainam na talakayin ang katotohanang ito.
Kapag binabanggit ang gawa, naniniwala ang tao na ang gawain ay ang tumakbo paroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng lugar, at gumugol para sa Diyos. Bagaman ang paniniwalang ito ay tama, ito ay masyadong nakakiling sa isang panig lamang; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang maglakbay paroo’t parito para sa Diyos; ito ay higit na ang ministeryo at pagtutustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatirang lalaki at babae ang hindi kailanman nakapag-isip tungkol sa paggawa para sa Diyos kahit matapos ang napakaraming taon ng karanasan, pagka’t ang gawain ayon sa pagkaintindi ng tao ay hindi kaugma niyaong hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, ang tao ay walang anumang interes patungkol sa gawain, at ito ang talagang dahilan kung bakit ang pagpasok ng tao ay masyadong nakakiling din sa isang panig. Lahat kayo ay dapat magsimulang pumasok sa pamamagitan ng paggawa para sa Diyos, nang sa gayon maaari ninyong mas mainam na maranasan ang lahat ng aspeto nito. Ito ang dapat ninyong pasukan. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagtakbo paroo’t parito para sa Diyos; tumutukoy ito sa kung ang buhay ng tao at kung ano ang isinasabuhay ng tao ay para matamasa ng Diyos. Tumutukoy ang gawain sa paggamit ng tao ng katapatang mayroon sila sa Diyos at sa kaalamang mayroon sila tungkol sa Diyos upang magpatotoo sa Diyos at magministeryo sa tao. Ito ang responsibilidad ng tao at kung ano ang dapat mapagtanto ng lahat ng tao. Sa ibang salita, ang inyong pagpasok ay ang inyong gawain; humahanap kayong makapasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Hindi lamang sa pagkakaroon ng kakayahang kumain at uminom ng Kanyang salita nararanasan ang Diyos; ang mas mahalaga, makaya ninyo dapat na magpatotoo sa Diyos, maglingkod sa Diyos, at magministeryo at magtustos sa tao. Ito ang gawain, at ang inyo ring pagpasok; ito ang dapat tuparin ng bawa’t tao. Marami ang mga nakatuon lamang sa paglalakbay paroo’t parito para sa Diyos, at nangangaral sa lahat ng dako, nguni’t hindi binibigyang-pansin ang kanilang personal na karanasan at pinababayaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang sanhi kung bakit yaong mga naglilingkod sa Diyos ay nagiging yaong mga lumalaban sa Diyos. Sa loob ng napakaraming taon, itinuring lamang niyaong mga naglilingkod sa Diyos at nagmiministeryo sa tao ang paggawa at pangangaral bilang pagpasok, at walang nagturing sa kanilang sariling espirituwal na karanasan bilang isang mahalagang pagpasok. Sa halip, pinupuhunan nila ang pagliliwanag ng gawain ng Banal na Espiritu upang magturo sa iba. Kapag nangangaral, lubha silang nabibigatan at tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan nito nailalabas nila ang tinig ng Banal na Espiritu. Sa sandaling iyon, kayabangan at pagkalugod sa sarili ang nararamdaman ng mga gumagawa, na para bang ang gawain ng Banal na Espiritu ay kanilang sariling espirituwal na karanasan; pakiramdam nila na ang lahat ng mga salitang kanilang sinasambit sa sandaling iyon ay kanilang sariling pagkatao, at saka para bang ang kanilang sariling karanasan ay hindi kasing-linaw ng kanilang nailarawan. Bukod dito, wala silang malay kung ano ang sasabihin bago magsalita, pero kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, mayroon silang walang-tigil at tuloy-tuloy na daloy ng mga salita. Matapos mong minsang makapangaral sa ganoong paraan, pakiramdam mo ang iyong aktwal na tayog ay hindi kasing-liit ng iyong inakala. Pagkatapos ng maraming beses na gumawa sa iyo sa katulad na paraan ang Banal na Espiritu, saka mo nalaman na ikaw ay mayroon nang tayog at nagkamali sa paniniwala na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang iyong sariling pagpasok at pagkatao. Kapag patuloy kang nagkakaroon ng ganitong karanasan, nagiging pabáyâ ka tungkol sa iyong sariling pagpasok. Sa gayon ay hindi mo napapansin na ikaw ay nagiging tamad, at hindi nagpapahalaga kahit kaunti sa iyong sariling pagpasok. Samakatuwid, kapag ikaw ay naglilingkod sa iba, dapat malinaw sa iyo ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong tayog at ng gawain ng Banal na Espiritu. Mas mapapadali nito ang iyong pagpasok at mas kapaki-pakinabang para sa iyong karanasan. Ang pagtuturing ng tao sa gawain ng Banal na Espiritu bilang kanilang sariling karanasan ay ang simula ng pagbábà ng tao. Kaya, anumang tungkulin ang inyong ginagampanan, dapat ninyong ituring ang inyong pagpasok bilang isang susing aral.
Gumagawa ang isa upang tuparin ang kalooban ng Diyos, upang dalhin ang lahat niyaong may wangis ng puso ng Diyos sa harap Niya, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos sa tao, at dahil doon ginagawang perpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Sa kadahilanang ito, mahalagang matarok ninyo ang substansya ng paggawa. Bilang isa na ginagamit ng Diyos, lahat ng tao ay karapat-dapat sa paggawa para sa Diyos, iyon ay, mayroong pagkakataon ang lahat upang magamit ng Banal na Espiritu. Subali’t, may isang punto na dapat ninyong mapagtanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawain ng Diyos, may pagkakataon ang tao na magamit ng Diyos, nguni’t ang sinasabi at nalalaman ng tao ay hindi ang buong tayog ng tao. Mas makikilala lamang ninyo ang inyong mga pagkukulang sa inyong gawain, at tatanggap ng higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, sa gayon ay pinahihintulutan kayong mas mahusay na makapasok sa inyong gawain. Kung itinuturing ng tao ang patnubay mula sa Diyos bilang sariling pagpasok ng tao at kung ano ang likas sa loob ng tao, walang potensyal na lumago ang tayog ng tao. Nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao kapag sila ay nasa karaniwang katayuan; sa gayong mga pagkakataon, madalas napapagkamalian ng tao ang kaliwanagan na kanilang natatanggap bilang kanilang sariling tayog sa katunayan, sapagka’t nagbibigay-liwanag ang Banal na Espiritu sa pinaka-karaniwang paraan: sa pamamagitan ng paggamit ng kung ano ang likas sa loob ng tao. Kapag ang tao ay gumagawa at nagsasalita, o sa panahon ng pananalangin ng tao sa kanyang espirituwal na mga debosyon, isang katotohanan ang biglang magiging malinaw sa kanila. Sa katunayan, gayunpaman, ang nakikita ng tao ay kaliwanagan lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (natural, ito ay kaugnay ng pakikipagtulungan mula sa tao) at hindi totoong tayog ng tao. Pagkatapos ng isang panahon ng karanasan na kung saan ang tao ay nakatagpo ng iba’t ibang tunay na mga kahirapan, ang tunay na tayog ng tao ay lumilitaw sa ilalim ng ganoong mga pangyayari. Sa oras lamang na iyon natutuklasan ng tao na ang tayog ng tao ay hindi ganoon kalákí, at ang pagka-makasarili, personal na mga pagsasaalang-alang, at kasakiman ng tao ay lumalabas lahat. Pagkatapos lamang ng ilang ulit ng naturang karanasan matatanto niyaong mga nagkaroon ng kamalayan sa loob ng kanilang mga espiritu na hindi ito kanilang sariling katunayan sa nakaraan, kundi isang panandaliang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu, at nakatanggap lamang ang tao ng liwanag. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao upang maunawaan ang katotohanan, ito ay madalas na sa isang malinaw at natatanging paraan, na walang konteksto. Iyon ay, hindi Niya isinasama ang mga paghihirap ng tao sa pagbubunyag na ito, at sa halip direktang ibinubunyag ang katotohanan. Kapag ang tao ay nakatagpo ng mga paghihirap sa pagpasok, saka isinasama ng tao ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu, at ito ang nagiging aktwal na karanasan ng tao. Halimbawa, isang kapatid na dalaga ang nagsasalita nang ganito sa fellowship: “Hindi tayo naghahangad ng luwalhati at yaman o nag-iimbot sa kaligayahan ng pag-iibigan sa pag-itan ng mag-asawang lalaki at babae; hinahangad lamang natin na mag-ukol ng isang pusong dalisay at tapat sa Diyos.” Nagpapatuloy siya sa pagsabing: “Sa sandaling nag-asawa ang mga tao, marami ang pinagkakaabalahan nila, at ang kanilang pusong umiibig sa Diyos ay hindi na wagas. Ang kanilang mga puso’y laging nakatuon sa kanilang pamilya at kanilang asawa, kaya’t ang kanilang mga puso ay nagiging mas lalong kumplikado….” Habang nagsasalita siya, para bang ang mga salitang sinasabi niya ay kung ano ang nararamdaman ng kanyang puso; ang mga salita niya ay umaalingawngaw at makapangyarihan, na para bang ang lahat ng kanyang sinasabi ay nanggagaling sa kaibuturan ng kanyang puso. Ninanais niya na maitalaga nang lubos ang kanyang sarili sa Diyos at umaasa na ang mga kapatid na tulad niya ay magkakaroon din ng kaparehong kapasyahan. Masasabing ang iyong kapasyahan at damdaming naaantig sa sandaling ito ay pawang mula sa gawain ng Banal na Espiritu. Kapag ang paraan ng gawain ng Diyos ay nagbabago, tumanda ka na nang ilang taon; nakikita mo na ang lahat ng iyong kaedad na mga kaklase at mga kaibigan ay may mga asawa na, o malalaman mo na matapos magpakasal si kuwan, dinala siya ng kanyang asawa para manirahan sa lungsod at nagkatrabaho roon. Kapag nakikita mo siya, nag-uumpisang mainggit ang puso mo. Nakikita mo na puno siya ng alindog at gilas mula ulo hanggang paa; kapag nagsalita siya, may progresibong pustura at wala na ang pagka-probinsiyana. Pumupukaw ito ng mga damdamin sa iyo. Ikaw, na gumugol sa Diyos simula’t sapul, ay walang pamilya o propesyon, at nakatagal sa maraming pakikitungo; matagal na, sumapit ka sa katanghaliang gulang, at ang iyong kabataan ay unti-unting naglaho, na para bang ikaw ay nananaginip. Nakarating ka ngayon sa ganito kalayo, pero hindi mo alam kung saan ka pipirmi. Ito ang panahon na ika’y nasa nag-aalimpuyong pag-iísíp, na parang nagugulumihanan ka. Nag-iisa at hindi makatulog nang mahimbing, nahihirapang matulog sa buong magdamag, ikaw, bago mo mamalayan, ay nagsisimulang pag-isipan ang tungkol sa iyong kapasyahan at mga taimtim na panata mo sa Diyos. Bakit sumapit sa iyo ang mga kalagayang ito? ‘Di mo namamalayan, tumutulo na ang mga luha nang paghibik at lubha kang nasasaktan. Lumalapit ka sa Diyos para manalangin at nag-uumpisang maisip ang pagniniig at di-mapaghihiwalay na pagkakálapít sa panahon ng iyong mga maliligayang araw kasama ang Diyos. Magkakasunod na lumilitaw ang mga tagpo sa iyong paningin, at ang panatang ginawa mo noong araw na iyon ay muling umalingawngaw sa iyong pandinig, “Hindi ba ang Diyos ang nag-iisa kong kaniig?” Sa oras na iyon, humahagulgol ka: “Diyos! Minamahal na Diyos! Naipagkaloob ko na sa Iyo nang lubos ang puso ko. Nais ko na maipangako sa Iyo magpakailanman, at mamahalin Kita nang di-nagbabago sa buong buhay ko….” Sa pagpupunyagi mo lamang sa gayong matinding pagdurusa na talagang iyong nararamdaman kung gaano kaibig-ibig ang Diyos, at noon mo lamang malinaw na natatanto: malaon ko nang ipinagkaloob sa Diyos ang aking lahat-lahat. Pagkatapos ng gayong dagok, nagiging mas higit kang may karanasan sa bagay na ito at nakikita na ang gawain ng Banal na Espiritu sa sandaling iyon ay hindi pag-aari ng tao. Sa mga sumusunod mong mga karanasan, hindi ka na napipigil sa pagpasok na ito; para bang ang mga pilat mo ay pinakinabangan nang husto ng pagpasok mo. Tuwing napapaharap ka sa mga ganyang situwasyon, agad mong maaalala ang iyong mga luha mula sa araw na iyon, na para bang nakakapiling mong muli ang Diyos. Palagi kang natatakot na muling maputol ang iyong relasyon sa Diyos at mapinsala ang madamdaming kaugnayan (normal na relasyon) sa pagitan mo at ng Diyos. Ito ang iyong gawain at iyong pagpasok. Samakatuwid, kapag tinatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, kasabay nito ay dapat ninyong higit na tutukan ang inyong pagpasok, tinitingnan kung ano talaga ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang inyong pagpasok, gayundin ay isinasama ang gawain ng Banal na Espiritu sa inyong pagpasok, upang higit kayong magawang perpekto sa pamamagitan Niya at hayaan ang substansya ng gawain ng Banal na Espiritu na mailakip sa inyo. Sa panahon ng inyong karanasan sa gawain ng Banal na Espiritu, nakikilala ninyo ang Banal na Espiritu, pati na rin ang inyong mga sarili, at sa gitna ng maraming matitinding mga sandali ng paghihirap, nagkakaroon kayo ng isang karaniwang relasyon sa Diyos, at ang ugnayan sa pagitan ninyo at ng Diyos ay nagiging mas malápít araw-araw. Matapos ang hindi mabilang na mga pagkakataon ng pagpupungos at pagpipino, nabubuo sa inyo ang isang tunay na pag-ibig para sa Diyos. Kaya dapat ninyong mapagtanto na ang pagdurusa, pananakit, at mga kapighatian ay hindi nakakatakot; ang nakakatakot ay ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu nguni’t hindi ng inyong pagpasok. Kapag dumating ang araw na ang gawain ng Diyos ay tapos na, kayo ay nagpagal nang walang kabuluhan; bagaman inyong naranasan ang gawain ng Diyos, hindi ninyo nakilala ang Banal na Espiritu o nagkaroon ng inyong sariling pagpasok. Ang pagliliwanag sa tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay hindi upang panatilihin ang rubdob ng tao; ito ay upang magbukas ng daan para sa pagpasok ng tao, gayundin ay upang tulutan ang tao na makilala ang Banal na Espiritu, at mula riyan ay mabuuan ng isang puso na may paggalang at pagsamba sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento