Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Ang Ikadalawampu’t-walong Pagbigkas
Noong dumating Ako mula sa Sion, hinihintay Ako ng lahat ng mga bagay, at noong bumalik Ako sa Sion, binati Ako ng lahat ng mga tao. Sa pagdating at paglisan Ko, hindi kailanman nahadlangan ng mga may galit sa Akin ang Aking mga hakbang, kaya umusad nang maayos ang Aking gawain. Ngayon, kapag dumarating Ako sa kalagitnaan ng lahat ng mga nilalang, binabati Ako ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng katahimikan, napakalalim ang takot nila na Ako’y muling lilisan at aalisin ang kanilang suporta. Sinusunod ng lahat ng mga bagay ang Aking patnubay, at minamatyagan ng lahat ang direksyong ipinahihiwatig ng Aking kamay. Maraming mga nilalang ang ginawang perpekto ng mga salita na nagmumula sa Aking bibig at maraming mga suwail na anak ang nakastigo. Kaya, nakatitig ang lahat ng mga tao sa Aking mga salita, at maingat na nakikinig sa mga pagbigkas mula sa Aking bibig, at matindi ang takot na mapalampas nila ang magandang pagkakataon na ito. Sa kadahilanang ito kung bakit nagpatuloy Ako sa pagsasalita, upang matupad ang Aking gawain nang mas mabilis, at upang mas maaga ang paglitaw ng mga nakalulugod na kondisyon sa mundo at malunasan ang mga eksena ng pagkatiwangwang sa mundo. Kapag tumingin Ako sa kalangitan at kapag haharapin Ko muli ang sangkatauhan; agad na mapupuno ang mga lupain ng buhay, hindi na kakapit ang alikabok sa hangin, at hindi na mababalot ng putik ang lupa. Agad magliliwanag ang Aking mga mata, kaya titingala sa Akin ang mga tao mula sa lahat ng mga lupain at manganganlong sila sa Akin. Sa mga tao sa mundo ngayon—kabilang na ang lahat ng mga nasa Aking sambahayan—sino ang tunay na nanganganlong sa Akin? Sino ang nagbibigay ng kanilang puso bilang kapalit ng halaga na Aking binayaran? Sino na ang nanahan sa Aking sambahayan? Sino na ang tunay na naghandog ng kanilang mga sarili sa Aking harapan? Kapag gumawa Ako ng mga pangangailangan sa tao, kaagad niyang isinasara ang kanyang “maliit na kamalig.” Kapag nagbibigay Ako sa tao, agad niyang binubuksan ang kanyang bibig upang lihim na makuha ang Aking mga kayamanan, at madalas siyang nanginginig sa kanyang puso, sa lalim ng takot niyang “gagantihan” Ko siya. Kaya ang bibig ng tao ay “kalahating bukas at kalahating sarado,” at wala siyang kakayahang tunay na tamasahin ang mga kasaganaan na ipinagkakaloob Ko. Hindi Ko pinarurusahan agad ang tao, ngunit palagi niya Akong “kinokontrol” at hinihiling na ipagkaloob Ko ang “awa” sa kanya; ipinagkakaloob Ko lamang muli ang “awa” sa tao kapag nagsusumamo siya sa Akin, at ipinahahayag Ko sa kanya ang pinakamalupit na salita ng Aking bibig, para agad siyang makakaramdam ng hiya, at, dahil wala siyang kakayahang tanggapin nang direkta ang Aking “awa,” sa halip ay hinahayaan niya na lang na “ipasa ito” sa kanya ng iba. Kapag lubusan niyang naunawaan ang lahat ng Aking mga salita, nagiging akma ang tayog ng tao sa mga kagustuhan Ko, at ang mga pagsusumamo niya ay nagiging mabunga at hindi na walang kabuluhan o walang saysay; pinagpapala Ko ang mga taos-puso at hindi mapagkunwaring pagsusumamo ng sangkatauhan.
Kumikilos at nagsasalita Ako sa nakalipas na panahon, ngunit kailanman ay hindi narinig ng tao ang ganitong mga pagbigkas na sinasalita Ko ngayon, at hindi niya kailanman natikman ang Aking kamahalan at paghatol. Kahit narinig ng mga tao sa mundo ng nakaraan ang mga alamat tungkol sa Akin, walang sinuman ang tunay na nakatuklas sa lawak ng Aking kayamanan. Kahit marinig ng mga tao ngayon ang mga salita na nagmumula sa Aking bibig, mananatili silang walang alam tungkol sa dami ng mga hiwaga sa Aking bibig, at dahil dito isaalang-alang nila ito bilang isang “kornukopya.” Nais ng lahat ng mga tao na makakuha ng isang bagay mula sa Aking bibig. Mga lihim man ito ng kalagayan, o mga misteryo ng langit, o ang dinamika ng espirituwal na mundo, o ang hantungan ng sangkatauhan, gusto ng lahat ng mga tao ang makatanggap ng ganitong mga bagay. Kaya, kung titipunin Ko ang mga tao at magbabahagi Ako sa kanila ng “mga kuwento,” agad silang babangon mula sa kanilang “kama ng maysakit” upang marinig ang Aking paraan. Masyadong marami ang kakulangan sa kaloob-looban ng tao: Hindi lamang mga “suplementong pangkalusugan” ang kanyang pangangailangan, ngunit mas higit pa ang “suporta sa pag-iisip” at maging ang “espirituwal na panustos.” Ito ang kulang sa lahat ng mga tao; ito ang “sakit” ng lahat ng tao. Nagbigay Ako ng lunas para sa sakit ng tao upang makamit ang mas mahusay na mga epekto, upang bumalik ang lahat sa kalusugan, at upang, salamat sa Aking lunas, maaari na silang bumalik sa pagka-karaniwan. Talagang namumuhi ba kayo sa malaking pulang dragon? Tunay bang, taos-puso ang pagkamuhi ninyo dito? Bakit Ko ito tinanong sa inyo nang maraming beses? Bakit palagi Kong itinatanong ito sa inyo, nang paulit-ulit? Ano ang imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Tunay bang naalis na ito? Tunay bang hindi ninyo ito isinasaalang-alang bilang inyong “ama”? Dapat na makita ng lahat ng mga tao ang layunin Ko sa Aking mga katanungan. Hindi ito upang pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi rin upang mag-udyok ng paghihimagsik sa mga tao, ni hindi rin upang mahanap ng tao ang kanyang sariling daan palabas, ngunit ito ay upang hayaan ang lahat ng mga tao na palayain nila ang kanilang mga sarili mula sa gapos ng malaking pulang dragon. Ngunit walang sinuman ang dapat mag-alala. Magagawa ang lahat sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makagagawa sa gawain na Aking tutuparin. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng mga lupain at pinupuksa Ko ang lahat ng mga bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng gawain Kong pagkastigo sa tahanan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na dumating na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at ang malaking pulang dragon at lahat ng mga uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay walang kakayahang tumakas mula sa Aking pagkastigo, sapagka’t tinitignan Ko ang lahat ng mga lupain. Kapag natapos na ang gawain Ko sa lupa, iyon ay, kapag natapos na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking bayan ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, ibubuhos nila ang kanilang mga papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at pupurihin nila nang magpakailanman ang banal Kong pangalan dahil sa Aking pagkamatuwid. Kaya pormal ninyong gawin ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan-kailanman!
Kapag umabot na sa rurok ang panahon ng paghatol, hindi Ko mamadaliin ang pagtapos sa Aking gawain, ngunit isasama Ko dito ang “katibayan” ng panahon ng pagkastigo at hahayaan Kong makita ng lahat ng bayan Ko ang katibayan na ito; at magdudulot ito ng mas maraming bunga. Ang “katibayan” na ito ang gagamitin Ko sa pagkastigo sa malaking pulang dragon, at hahayaan Kong makita ito ng Aking bayan upang mas higit nilang malaman ang Aking disposisyon. Ang panahon na matatamasa Ako ng Aking bayan ay kapag nakastigo na ang malaking pulang dragon. Ang sanhi ng pagtindig at paghihimagsik ng mga tao ng malaking pulang dragon ay ang Aking plano, at ang paraan ng pagperpekto Ko sa Aking bayan, at ito ay napakahusay na pagkakataon para lumago sa buhay ang bayan Ko. Kapag lumitaw ang maliwanag na buwan, agad masisira ang tahimik na gabi. Kahit nasa pilas-pilas ang buwan, masaya ang tao, at matiwasay na nakaupo sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinahangaan niya ang magandang tanawin sa ilalim ng liwanag. Hindi mailarawan ng tao ang kanyang mga damdamin; parang gusto niyang ibalik ang kanyang mga saloobin sa nakaraan, parang nais niyang tumingin sa kinabukasan, na parang tinatamasa niya ang kasalukuyan. Makikita sa kanyang mukha ang isang ngiti, at may mabangong simoy sa nakalulugod na hangin; sa pag-ihip ng “magiliw na lawiswis,” mahahalata ng tao ang mabangong halimuyak, at tila nilasing siya nito at hindi niya magising ang kanyang sarili. Ito ang pinaka-oras na personal Akong pumunpunta sa mga tao, at mas tumindi ang mabangong simoy na naaamoy ng tao, at sa gayong paraan tumatahan ang lahat ng tao sa gitna ng samyong ito. May kapayapaan Ako sa tao, nabubuhay siya na may magandang pakikisama sa Akin, hindi na siya pasaway sa kanyang pakitungo sa Akin, hindi Ko na pinupungos ang mga kakulangan ng tao, wala na sa mukha ng tao ang itsurang parang nababalisa, at hindi na banta ang kamatayan sa buong ng sangkatauhan. Ngayon, pasulong na Ako kasama ang tao sa panahon ng pagkastigo, pasulong na kasama siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ang ibig sabihin, ihinampas Ko ang Aking tungkod sa kalagitnaan ng tao at tumama ito sa bahaging suwail ang tao. Sa mga mata ng tao, tila may mga kakaibang kapangyarihan ang tungkod Ko: Tumatama ito sa lahat ng mga kaaway Ko at hindi sila madaling makatatakas dito; sa gitna ng lahat ng sumasalungat sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas niyang gamit; ginagampanan ng lahat ng mga nasa Aking kamay ang kanilang tungkulin ayon sa orihinal Kong layunin, at hindi nila kailanman sinuway ang mga kagustuhan Ko o nagbago sa kanilang diwa. Bilang resulta, uungol ang mga tubig, guguho ang mga bundok, mabubuwag ang mga malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalabo ang araw, magdidilim ang buwan, hindi na mabubuhay ang tao nang may kapayapaan, mawawala na ang katahimikan sa lupa, ang mga kalangitan ay hindi na muling magiging mahinahon, at tahimik, at hindi na kailanman muling magtatagal. Mababago ang lahat ng mga bagay at mababawi ang kanilang orihinal na anyo. Magkakawatak-watak ang lahat ng mga kabahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng mga bansa sa mundo; mawawala na ang mga araw ng pagbabalikan ng mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng mga bagay na dating nasa lupa. Hindi Ko bibigyan ng pagkakataon ang mga tao upang mailabas nila ang kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin, at natutunan Kong kamuhian ang mga damdamin ng mga tao sa isang antas. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, kaya Ako ay naging “iba” sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang “konsensya”; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging nanlulupaypay sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking paghawak ng mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa mundo? Sino na ang naging katulad Ko, na nagtatrabaho sa araw at gabi, na hindi isinasaalang-alang ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano sa pamamahala Ko? Paano maihahambing ang tao sa Diyos? Paano siya magiging kaayon ng Diyos? Paano na ang Diyos, na lumilikha, ay maging kaparehong uri ng tao, na nilikha? Bakit lagi Akong naninirahan at kumikilos kasama ng tao sa lupa? Sino ang nag-aalala para sa Aking puso? Ang mga panalangin ba ng tao? Sumang-ayon Ako minsan na samahan ang tao at lumakad kasabay niya—at oo, nabubuhay ang tao hanggang ngayon sa ilalim ng Aking pag-aalaga at pag-iingat, ngunit kailan ang araw na maaaring humiwalay ang tao mula sa Aking pag-aalaga? Kahit hindi kailanman iningatan ng tao ang Aking puso, sino ang maaaring manatiling nabubuhay sa isang lupain na walang liwanag? Dahil lamang sa mga pagpapala Ko na nabubuhay ang tao hanggang ngayon.
Abril 4, 1992
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Ang pinagmulan:Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Rekomendasyon:Kidlat ng Silanganan
Pagpapahayag ng Bumalik na Panginoong Jesus
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento